Pahayag ng Makabayan Bloc sa deklarasyon ng MECQ sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan

Must Read

Android App

Get it on Google Play

Naninindigan ang mga mambabatas ng Makabayan Bloc, kaisa ng mga heath workers at mamamayang Pilipino, para sa kagyat, mapagpasya, at kumprehensibong medikal na solusyon para tugunan ang tumataaas na kaso ng COVID-19 habang inilagay sa Modified Enhanced Community Quarantine ang Kamaynilaan at karatig na mga probinsya.

107866750 10163831242290557 8272183270471097421 o

Lubhang nakababahala ang paglobo sa lampas 100,000 kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa at napakataas na 5,032 kaso sa loob lamang ng isang araw nitong Agosto 2. Pilipinas na ang may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 nitong July sa 22 bansa sa Western Pacific Region, nalampasan ang Tsina, ayon sa World Health Organization. Patunay ito sa lubos na kabiguan ng militarisang tugon at patse-patseng solusyon ng administrasyong Duterte.

Sa kabila ng paglala ng sitwasyong pangkalusugan, inanunsiyo ni Pang. Duterte noong July 31 ang lalong pagluwag ng General Community Quarantine sa ngalan ng pagpapasigla sa ekonomia, kabilang ang pagpapahintulot ng muling pagbubukas ng non-essential services, tulad ng mga gym, spa, at pet-grooming serivces. Natulak ang Malacanang na baliktarin ang patakaran at ibalik ang NCR at karatig na mga probinsya sa MECQ dahil sa desperadong apela ng mga medical frontliner. Patunay ito na walang kakayahan ang mga retiradong heneral at si Department of Health Sec. Francisco Duque na pamunuan ang epektibong kampanya laban sa pandemya, wastong magtasa ng sitwasyong pangkalusugan, at gumawa ng angkop na pagpasya para sa ikabubuti ng publiko.

Manumbalik man sa MECQ, hindi susulong ang kampanya laban sa COVID-19 kung patuloy na mangunguna ang mga militarista sa tugon ng gubyerno. Nananawagan ang Makabayan Bloc sa kagyat na pagsibak sa mga retiradong heneral sa IATF at NTF, kabilang sina Lorenzana, Ano, at Galvez, at kay Sec. Duque para mabigyang daan ang mas epektibong pagbuo at implementasyon ng planong magpapalakas sa pangangalagang pangkalusugan. Palitan sila ng mga tunay na eksperto sa public health, medisina, at siyensiya,

Kinukundena ng Makabayan Bloc ang pagbatikos at pagbanta ni Pang. Duterte sa mga medical frontliner na naghayag sa publiko ng kanilang saloobin at natulak na manawagan ng “timeout” dulot ng paglobo ng mga kaso ng COVID. Muli niyang nilantad ang kanyang kawalan ng respeto sa karapatang magpahayag, manawagan, at maningil ng mga mamamayan sa kanyang pamumuno. Habang minamasama ang pagtindig ng mga medical frontliners, paulit-ulit ang kanyang pahayag na wala nang magagawa ang pamahalaan, magtiis na lamang ang publiko, at umasa sa pagdating ng bakuna. Malinaw na walang kakayahang mamuno sa kampanya laban sa COVID ang isang pinunong umaamin na wala nang ibubuga ang kanyang administrasyon.

Solusyong medikal ang kailangan ng health workers at mamamayan sa halip na kamay na bakal, military lockdown, Anti Terrorism Act at death penalty. Laban sa pandemya ang dapat harapin ng administrasyon, hindi gyera laban sa oposisyon, kritiko, at ordinaryong mamamayan. Sa kabuuan dapat na mangibabaw ang scientific at medical approach sa pagharap sa pandemya.

Kagaya ng mga naunang pagpapatupad ng ECQ, mawawaldas lamang ang ipinatutupad na MECQ at lalo pang lolobo ang mga kaso at mga namamatay sa COVID-19 kung hindi desaysibong ipapatupad ang mga panawagan ng mga health workers at mamamayan:

1. Maramihang paghire ng mga regular health workers na may sapat na proteksyon, sweldo, benepisyo at ligtas na kundisyon sa paggawa.

2. Sapat na proteksyon at suporta sa health workers at frontliners kabilang ang kumpletong PPEs, regular na RT PCR testing, transportasyon, at compensation sa pagkakasakit.

3. Libreng mass testing, katulad ng aming pinanukala sa House Bill 6848.

4. Sapat na ayuda sa mga mahihirap, displaced workers, drivers, OFWs, at iba pang apektado ng COVID 19 sa ilalim man ng GCQ o MECQ sang-ayon sa HB 6992.

5. Pagsasaayos at pagpapalakas sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan, testing facilities sa bawat rehiyon, quarantine facilities at pagtiyak ng sapat na gamit, gamot, at suplay sa mga pagamutan.

6. Malawakang edukasyon sa mamamayan sa halip na pangaaresto at pamwewersa.

Usapin ng buhay at kaligtasan ang kagyat na pagpapatupad ng kumprehesnibong aksyong medikal. Sa kabuuan, mamamayan pa rin ang mapagpasya para mawakasan ang palpak at militaristang tugon at magtagumpay sa laban sa pandemya.#

Press Releases

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Latest News

Connect With Us

224,672FansLike
1,536FollowersFollow
69FollowersFollow
25,504FollowersFollow